Monday, September 5, 2011

Teenage Years----Of Biting Nails, Peanut Butter Sundaes and Slumbooks





This was sent to me by my office colleague, telling her story. I can't help but smile when I read it. Maybe bacause I can attest to her accounts.


ANG OTOGRAPH

Isang araw, naisipan kong mangalkal ng mga naka-kahong gamit sa ilalim ng aking kama, agad naka-agaw ng atensyon ko ang isang malaking Barbie na notebook at nakasulat sa harapan nito: My Authograph Book.Pagbuklat ko nito, nakasulat ang isang malaking “Private Property of A*** A****a E******o, DO NOT OPEN!!!” (talagang tatlong exclamation point ang nandun).



Sa totoo lang, hindi ko matandaan kung kelan ako unang nagkaroon ng autograph book o slum book naman sa iba. Pero ang alam ko, ‘pag madami nagpapasagot sa’yo nu’n, sikat ka! Ang sabi ng iba, para daw makilala ng husto ang mga friends nila, pero ang totoo naman eh para lang mabuking kung sino ang crush ni ano, at syempre ang goal ko noon, mapasulat ang crush ko doon! HAHAHAHA!



Aliw na aliw akong binasa ang mga nakasulat sa slum book ko. Lalung-lalo na nung makita ko ang pangalan ng mga noo’y kaibigan ko na ngayon eh kaaway ko na. (may pang-blackmail na ‘ko sa inyo).



Isa lang ang napansin ko ‘di lang sa slumbook ko ngunit maging sa iba din, ‘the common used lines.’ Una na diyan ang salitang “M2M,” hindi ‘yan ang sumikat na singing-duo at lalong hindi ‘yan man-to-man. Ibig sabihin nito ay many to mention, ito ang nilalagay kung tamad kang magbigay ng mga paborito mo sa ubod ng dami. Halimbawa, sa tanong na What is your favorite food? Eh masyado kang masiba na halos lahat ata ng pagkain eh paborito mo, kaya ang ilalagay mo na lang M2M, ayos!



Sumunod ay ang sagot sa katanungang Describe yourself. Dito madalas gamitin ang mga katagang “Mirror please!” o kaya naman ay “Judge me na lang” at syempre kasunod ng linyang ‘yon ang =). ‘Yan ang sagot ng mga play safe o mga taong pa-humble kunwari. Pero meron ding mga malakas ang loob na magsabi ng “Pretty” kasunod ang “sabi ng nanay ko!” (isa ako sa mga malakas ang loob na ‘yan, or should I say makapal ang mukha? HAHAHA!)



Syempre, hindi mawawala ang Who is your crush? Ang tanong na ito ang pinaka-unang tinitignan ng lahat pagkatapos mapasagot ang kung sino sa slum book nila. Ito ang nagsisimula ng chismis sa murang edad at tampulan ng tuksuhan. Kung wapakels ka sa kung sino mang makakabasa ng sinulat mo, ilalagay mo syempre ang buong pangalan ng crush mo. Kung tipong mahiyain ka naman, nandyan ang ipa-fill in the missing letters mo ang name ng crush mo. Halimbawang nakita ko ay “M_RK” kunwaring ayaw ipaalam, eh ang dali naman hulaan! At syempre, magpapahuli ba naman ang mga sikat na artista. Ang gagawin na lang ng iba ay tignan kung sino ang cover ng notebook nila. EPIC!




Next question, What is love? Ayan, diyan na pumapasok ang sandamakmak na linyang kinuha sa kung saan gaya ng: “Love is blind” at “Love is like a rosary, full of mystery.” Minsan, natatandaan kong medyo nagsawa na ko sa kakasagot ng mga ‘yan, kaya nag-evolve ang sagot ko sa pagkuha ng mga nakasulat sa mga bookmarks ng nanay ko. Sikat ako nu’n dahil una, mahaba at syempre hindi nila maintindihan.





Isa pang tanong, Who is your first love? Nangunguna sa bilang ay “God,” sumunod naman ang “Parents.” Samantala, may ilan ding pumapapel na naglalagay ng “S-E-C-R-E-T!” kala mo naman totoo, at talagang all-caps na eh may exclamation point pa! Pwes, kung totoo man ‘yun, late bloomer pala ako kung ikukumpara sa kanila. Chos!



At ang pinaka-huli, Dedication. Kadalasan, isang pahina ang nakalaan para dito, na ang karaniwang umpisa ay “Thanks for letting me write on your autograph/slum book.” At kung gusto mo humaba ng kaunti, susundan mo pa ng “Hope I will be your friend forever.” At kung medyo tamad kang mag-isip, mangongopya na lang sa dedication ng iba. Pero ang pinaka-memorable sa lahat, ang mga pangalan ng bansa na ‘di mo akalaing acronym pala, gaya ng “J-A-P-A-N” (Just Always Pray At Night) at “I-T-A-L-Y” (I Trust And Love You). Sa lahat ng bagay hindi nawawala ang mga epal, mga taong ang ilalagay lang sa isang pahinang papel ay “TNX!” hindi man lang nag-effort kumpletuhin ‘yung salitang thank you, o kaya naman “Alam mo na ‘yun.” Kung alam ko ‘yun, sana ako na lang sumagot para sa’yo! Mas ok pa ‘yung iba na kahit mali-mali ang grammar, at least may naisulat. May iba naman na sa haba ng naisulat, kala mo nobela na eh may P.S pa sa huli. At suki din ng mga dedication ang “Sorry, pangit ako magsulat! ;p”



Kahit ano pa’ng pinagsusulat ng mga kaibigan ko, kahit karamihan ay pawing kabulastugan, iba pa din ang dinulot nitong kaligayahan sa pag-alaala ng aming mga pinagsamahan. Sabi nga ng iba, past is past. Pero paminsan-minsan, masaya din balikan ang nakaraan, diba?



0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home